Noong ika-30 ng Agosto 2024, ginanap ang isang makabuluhang pagpupugay para sa mga biktima ng sapilitang pangwawala sa Max’s Scout Tuazon, Quezon City bilang pag-alala sa International Day of the Disappeared (IDD). Nagsimula ang programa ng alas-5:00 ng hapon, kung saan dumalo ang mga pamilya ng mga winala at ang mga tagasuporta ng kanilang adhikain. Ang pangyayari ay sabayang na-stream nang live sa Facebook page ng Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND) upang mas marami ang makibahagi.


Kabahagi ng pagpupugay na ito ang isang round table discussion na isinagawa sa pakikipagtulungan ng Commission on Human Rights, na dinaluhan ng ilang concerned government agencies. Tinalakay dito ang kasalukuyang kalagayan ng mga biktima ng sapilitang pagwala at ang mga hakbang na maaaring gawin upang makamit ang hustisya para sa kanila.


Ang buong araw ng pag-alala ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng FIND, CAED, AFAD, at PAHRA. Bilang simbolo ng pagkakaisa, hinikayat ang publiko na palitan ang kanilang Facebook profile picture ng larawan ng kandila at gamitin ang hashtag na #StopEnforcedDisappearance. Ang mga dumalo ay nagkaroon din ng pagkakataong makilahok sa talakayan, magpahayag ng kanilang mga saloobin, at magbigay ng suporta sa pamamagitan ng pag-share ng live video ng programa.


Ang mga naglahok na ito ay nagpugay sa mga nawawala, na kumakatawan sa libu-libong biktima ng iba’t ibang rehimen sa Pilipinas. Ang kanilang katapangan at paninindigan para sa karapatang pantao ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa lahat. Ang walang-pagod na paghahanap ng hustisya ng kanilang mga pamilya ay nagsilbing paalala na ang laban para sa katotohanan at pananagutan ay nagpapatuloy.


Sa Pandaigdigang Araw ng mga Winala, muling nagkaisa ang lahat sa laban para sa katotohanan, hustisya, at pananagutan. Parangalan natin ang kanilang alaala at patuloy na makiisa sa mga naghahanap ng kanilang mga mahal sa buhay.