Minamadali ng mga kongresista ang 25-year renewal ng Meralco franchise. Lumagpas na ito sa komite at ngayon ay isasalang na lamang sa plenaryo. 


Sa isyung ito, hinahapag po ng inyong lingkod ang solusyong labas sa kahon ng neoliberal na doktrinang pang-ekonomya.


Ang “neoliberal economics” ang nagpatupad sa mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon, at pribatisasyon sa mga public utilities, na naging padron ng mga gobyerno sa buong mundo noong 1990s. 


Sinunod ito ng gobyerno ng Pilipinas sa power industry at ang resulta ay tayo ang isa sa may pinakamahal na power rates sa Southeast Asia. 


Ang parating na expiration ng Meralco franchise ay oportunidad para palitan ang mga patakaran ng pribatisasyon at deregulasyon sa industriya ng kuryente.


Ang ating “out of the neoliberal box” na panukala ay ang pagsasapubliko ng Meralco, kung saan ang unang hakbang ay ang nationalization ng power distribution sa pinaka-economically active na mga rehiyon sa bansa (NCR, Central Luzon, Calabarzon).


Sa nationalization, gobyerno na ang may pag-aari. Ang pribadong sektor ang maaring mag-operate subalit nagbabayad sila sa paggamit ng pasilidad ng gobyerno. Ang kontrata ay maaring mas maiksi sa 25 years upang pagbutihin ng gagamit sa mga pasilidad ang kanyang pagseserbisyo para sa renewal nito.


Mahigit isang daan taon na, mula 1915, mula nang maging pangunahing negosyo ng Meralco ang power generation and distribution. Mahigit isang siglo na itong pinagkakitaan ng korporasyong pribadong nagtamasa mula sa kanyang operasyon bilang monopolyo.

Hindi na kalabisang bawiin ito ng gobyerno para sa pangunahing pampublikong kapakinabangan.


Kapag gobyerno na ang may-ari, mas may kapangyarihan ito na magpataw ng limitasyon sa pribadong tubo upang gawing mas mura ang singil sa kuryente, kasama na dito ang transisyon mula sa marumi at mahal na imported energy sources gaya ng coal o karbon at langis tungo sa solar at wind na pagmumulan ng mura at malinis na kuryente. 


Ang panukalang nasyunalisasyon ay nasa balangkas ng “state capitalism” at ginawa ng mga bansang gaya ng Japan at South Korea kaya naging industriyalisado ang kanilang mga ekonomya mula sa pagkaguho ng World War 2. 



KURYENTE GAWING SERBISYO, HINDI NEGOSYO! #

KA LEODY DE GUZMAN

pangulo, Partido Lakas ng Masa

Agosto 15, 2024


https://www.facebook.com/photo/?fbid=1012348330898986&set=a.253093416824485