PhilHealth is the public's wealth, hindi ng mga trapo't burukrata ng Gobyernong Marcos-Duterte
August 10, 2024
Author:

Mariin naming tinututulan ang balak ng gobyernong Marcos, sa pangunguna ng Department of Finance, na wag gamitin ang P90 bilyong pondo ng PhilHealth na tinatawag nilang "excess funds" at bagkos ay ideklara itong "unprogrammed funds" na ibabalik sa National Treasury.
Hindi namin mawari bakit ayaw gamitin ang bilyong pisong perang ito sa isang napakahalagang bagay para sa bawat mamamayan--ang serbisyong pangkalusugan. Ang nakakaasar dito, bakit ito tinitignan ng gobyernong Marcos-Duterte bilang sobrang pondo o koleksyon ng PhilHealth samantalang nananatili pa rin ang samu't saring kakulangan sa serbisyong pangkalusugan sa Pilipinas.
May ibang bagay ba na gustong paglaanan ang gobyernong Marcos gamit ang P90 bilyon ito na nais ipadeklara bilang unprogrammed fund? Tandaan na minsan nang nasita ng Korte Suprema --sa kaso laban sa Disbursement Acceleration Program (DAP) noong panahon ni PNoy--ang hinggil sa iligal na paggamit ng mga unprogrammed fund. Hindi naming maiwasang magduda kung gagamitin ba sa mabuti ang P90 bilyon na ito lalo na't malapit na ang eleksyon kung saan daan-daang milyon ang ginagastos ng mga trapo para lamang manalo.
Para sa masa at manggagawang Pilipino, mas importante ang kalusugan at nananatili pa ring mababa pa rin ang pagpopondo nito sa kaniyang iba’t-ibang programa at serbisyo.
Nananatiling mataas ang ginagastos ng mga Pilipino sa kanilang pagpapagamot kumpara sa mga karatig-bansa gaya ng Thailand at Indonesia. Sa Pilipinas, tinatayang nasa 44% ng lahat ng gastusin para sa kalusugan ang sariling binabayaran ng mga pasyente, kumpara sa 9% sa Thailand at 27% sa Indonesia.
Nasa 13% lamang ng lahat ng gastusin para sa kalusugan nitong 2021 ang binabayaran ng PhilHealth, kumpara sa 30% nitong target. Bumaba pa ito kumpara noong 2017 na nasa 17% ang hati ng PhilHealth. Ibig sabihin, sa Thailand at Indonesia, bayad ng gobyerno ang karamihan ng gastusin sa pagpapagamot ng mga mamamayan. Samantala sa Pilipinas, umiiwas magpagamot ang mga Pilipino dahil alam natin lahat na walang hangganan ang babayaran sa ospital.
Nananatiling bitin ang pagpapatupad ng “No Balance Billing Policy” (NBB) ng PhilHealth na naglalayong siguraduhin na walang babayaran ang mga pinakamahirap na Pilipino sa ospital.
Nitong Hulyo, siningil sa Kongreso ang DOH ukol sa di-ganap na pagpapatupad ng NBB Policy sa iba’t ibang ospital. Tinatayang nasa 81% pa lamang ang pagpapatupad ng NBB Policy. Kilala rin ang PhilHealth na matagal magbayad ng mga ospital. Nitong Hulyo sa kongreso, tinatayang nasa 13 bilyong piso di-umano ayon sa DOH ang utang ng PhilHealth sa mga pampublikong ospital. Ibig sabihin, kulang sa tauhan ang PhilHealth para ganap na ipatupad ang kaniyang mga programa.
Dapat gamitin ang P90 bilyon di-nagamit na pondo ng PhilHealth para palawigin ang mga programa nito at pababain mula sa 44% ang ginagastos ng mga Pilipino para sa kanilang pagpapagamot. Halintulad sa mga karatig bansa, hindi dapat natatakot ang mga Pilipino na lumapit sa doktor dahil sa di-inaasahang malaking gastusin. Para makamit ito, kailangan ng PhilHealth na patibayin ang kaniyang tauhan para patnubayan ang pagpapatupad ng kaniyang iba’t ibang programa.
PhilHealth is the public's wealth, hindi ng mga trapo't burukrata ng Gobyernong Marcos-Duterte.
https://www.facebook.com/photo/?fbid=545631877979801&set=a.137945438748449
August 10, 2024