Patuloy na kagutuman, ramdam ng mga katutubong kababaihang magsasaka sa ilalim ng administrasyong Marcos-Duterte -LILAK
July 22, 2024
Author:

Ang mga katutubong kababaihang magsasaka at tagapaglikha ng pagkain sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ay patuloy na nakakaranas ng kagutuman at kawalan ng tugon at suporta mula sa administrasyong Marcos-Duterte.
Dumaan ang bagyo at matinding tagtuyot nang hindi lubos na naramdaman ang pagkalinga ng pamahalaan sa mga katutubong komunidad. Patuloy na nararamdaman ng mga katutubong kababaihan ang kahirapan sa kanilang mga komunidad habang sinusuong ang mga hamon na dala ng pagbabago sa klima.
Bago umalis si Duterte sa Malacañang, inalis nya ang 9-taong moratorium sa pag apruba ng mga bagong mining application. Simula 2021, 38 ang panibagong aprubado at rehistradong minahan sa bansa. Mayroon namang 148 na sa kasalukuyan ay pinoproseso. Kung mayroong pagbabago sa “Bagong Pilipinas,” ito ay ang pagdagsa ng mga aplikasyon ng mga dambuhalang minahan, at ang pag-apruba sa mga proyektong makasisira sa kalikasan– katulad ng pagpasok ng mga energy projects sa loob ng mga katutubong komunidad, at iba pa.
Ito ang pangako na kaunlaran para sa “Bagong Pilipinas.” Ngunit ang kasaysayan din mismo ang magpapatunay na hindi ito kailanman naging para sa kapakanan ng mga katutubo at kababaihan. Ito ay para sa interes ng mga banyaga, negosyante, at mga mayayamang namumuhunan.
Samantala, ang mga katutubong lider kababaihan na patuloy na nagsasalita at nananawagan na dinggin ang kanilang mga hinaing ay patuloy na nakararanas ng pananakot, red-tagging, at pagpatay.
Sa ikatlong SONA ng anak ng dating diktador, nasaan na ang mga pangako para sa Pilipino? At para kanino ang Bagong Pilipinas?