[Statement] Tugon sa SONA ni PBBM
July 22, 2024
Author:
![[Statement] Tugon sa SONA ni PBBM](images/article/../../images/article/Tugon_sa_SONA_ni_PBBM.jpg)
Tugon sa SONA ni PBBM
Mababaw ang nilalaman ng 2024 SONA in Presidente Ferdinand Marcos Jr.
Mananatiling ramdam nating naghihikahos ang krisis at pangamba.
Wala nang maaasahan pa na bababa ng presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin sa ilalim ng administrasyong ito. Malinaw sa mga pahayag ni Presidente Marcos Jr. na mataas na presyo ng agricultural inputs tulad ng pataba, pestisidyo, at gasolina na nagiging sanhi ng pagtaas ng gastos sa produksyon ng mga magsasaka. Kaya naman daw tumataas ang presyo ng mga produktong agrikultural sa merkado. At dahil dito, wala daw syang magagawa. Ang kanyang solusyon ay ang pagpapalawak ng KADIWA—subalit ito’y isa lamang panapal sa tumitinding krisis sa pagkain.
Seguridad sa trabaho at sapat na umento sa sahod? Walang mahihita at di rin prayoridad ng gobyernong ito. Sa kasalukuyan, marami pa rin sa ating mga manggagawa ang nasa ilalim ng kontraktwalisasyon at walang kasiguruhan sa kanilang mga trabaho. Ang nakaraang umento sa sahod ay hindi rin sapat upang makasabay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang pangangailangan.
Sa kabila ng mga pangako ng pagbabago sa pagtugon sa problema ng droga, malinaw na patuloy pa rin ang kampanya ng Tokhang at Double Barrel na nagresulta sa pagkitil ng maraming buhay. Ang patuloy na pagpatay at karahasan na ito ay nagdudulot ng takot at pangamba sa ating mga komunidad.
Mananatili rin ang red-tagging na nagiging sanhi ng paglabag sa karapatang pantao ng mga aktibista, mamamahayag, at iba pang sektor ng lipunan. Ang mga hakbang na ito ay naglilimita sa ating kalayaang magpahayag at lumaban para sa karapatan.
Marami rin sa mga pangako ni Pangulong Marcos Jr. noong SONA 2023 ang nananatiling pangako, gaya ng pagpapabuti ng sektor ng agrikultura, pagpapalawak ng mga programang pangkalusugan, at pagpapalakas ng ating edukasyon. Ang mga ito ay nananatiling mga pangarap na hindi pa rin nararanasan ng marami sa ating mga kababayan.
Ang nararapat ay ang isang sistema na uunahin ang pangangailangan at kagalingan ng mamamayan. Ang tunay na pagunlad ay makakamit lamang sa pamamagitan ng isang sistema na inuuna ang karapatan, katarungan, at kagalingan ng Tao. Kailangan natin ng mga polisiya at programa na nakatuon sa pagtugon sa mga batayang pangangailangan tulad ng pagkain, tirahan, trabaho, at kalusugan. Hindi dapat payagan na ang kita ng mga kapitalista o negosyo ang manguna sa mga desisyon at hakbangin.
Makakalikha lamang tayo ng isang lipunan na may pantay na oportunidad, malaya at maunlad na kinabukasan kung ang mamamayan ang pangunahing prioridad, at hindi ang mga interes ng iilang makapangyarihan.
Walang maaasahan sa gobyerno kung mananatiling tikom ang mga mata, bibig at tenga ng ating mga namumuno patungkol sa tunay na kalagayan ng mamamayan.###
-----------------------------------------------------------
"Unahin ang Karapatan, katarungan at kagalingan ng Mamamayan! Hindi Cha-cha! Hindi Gera! Hindi trapo at dinastiya!" #humanrights #SONA2024
Visit PAHRA's Facebook Page for more.
Click here to Subscribe to our e-newsletters.