[Statement] Mensahe ng Pakikiisa para sa mga Pamilya ng mga Biktima ng Sapilitang Pagkawala
May 30, 2024
Author:
![[Statement] Mensahe ng Pakikiisa para sa mga Pamilya ng mga Biktima ng Sapilitang Pagkawala](images/article/../../images/article/f22d51b27622d66a0486.jpg)
Para sa mga Pamilya, Kasapi at mga Tagasuporta ng FIND,
Sa ating paggunita ng International Week of the Disappeared, kami sa Philippine Alliance of Human Rights Advocates o PAHRA ay nakikiisa sa inyo, ang mga pamilya ng mga biktima ng sapilitang pagkawala. Ang inyong tapang at tibay ng loob sa kabila ng matinding kawalan at kalungkutan ay nagbibigay inspirasyon sa aming lahat.
Ang nararanasang sakit ng hindi malaman ang kalagayan ng isang mahal sa buhay ay isang mabigat na pasanin, ngunit ang inyong lakas at determinasyon para hanapin ang katotohanan at katarungan ay nagbibigay liwanag sa madilim sa mga pagkakataong ito. Itataguyod at gugunitain natin ang alaala ng mga biktima at maninindigan sa inyong laban para sa mga kasagutan at pananagutan.
Kasama ninyo kami sa panawagan na seryosohin at sinserong tugunan ng ating pamahalaan at awtoridad ang problemang ito. Masusing pag aralan ang mga hakbang upang sa kalaunan ito’y mahinto. Ang pagsulong at mahigpit na pagpapatupad ng mga batas na nagpoprotekta sa karapatang pantao, upang tiyakin na hindi na maulit ang ganitong kawalang katarungan.
Ang inyong pakikibaka ay hindi mawawalan ng saysay. Sama-sama nating palakasin ang inyong mga tinig. Sikapin nating pandayin ang isang mundo na walang sinuman ang kailangang pang dumanas ng paghihirap ng sapilitang pagkawala. Kasama ninyo kami sa inyong paglalakbay para sa katotohanan, katarungan, at pagpapanumbalik ng dignidad sa mga kinuha mula sa atin.
Kami’y nakikiisa!!
29 May 2024
Quezon City
Read, comment, and share this statement via PAHRA's Facebook page.
Click here to Subscribe to our e-newsletters.