Photo from KAGULONG FB Page


Ika-10 ng Marso, nagtagumpay ang Kagulong Women Riders Conference sa Bulacan na dinaluhan ng mahigit tatlumpung lider kababaihan mula sa riding community.

Sa pagtitipon na ito, mariing pinagtibay ang adbokasiya ng kapatiran sa gawaing kababaihan, partikular sa pagsusulong ng kanilang mga karapatan, kapakanan, at kaligtasan. Isang mahalagang bahagi ng kumperensiya ay ang pagtalakay at pag-apruba sa deklarasyon ng polisiya ng Kagulong para sa Inklusibong Komunidad.

Ang naturang deklarasyon ay naglalayong palakasin ang ugnayan ng Kagulong bilang isang kapatiran na may pagkakapantay-pantay, at handang makipagtulungan sa lahat, anuman ang kasarian (kababaihan, LGBTQIA++, persons with disabilities, atbp.), paniniwala o relihiyon, edad, at katayuan sa buhay.

Nagpapasalamat ang mga tagapagtatag at mga kalahok sa Kagulong Women Riders Conference sa lahat ng sumuporta at nag-ambag upang maisagawa ang tagumpay na ito. Ang pagtitipon ay hindi lamang isang pagdiriwang ng pagkakaisa ng mga kababaihan sa riding community kundi pati na rin isang patunay sa kanilang lakas at determinasyon.

Muling ipinamalas ng Kagulong ang kanilang dedikasyon sa bayanihan at pagtutulungan sa pamamagitan ng mga hashtag na #RidersBayanihanWalangMaiiwan at #sulongkagulong.


Sa pagtatapos ng kumperensiya, ang mga lider kababaihan sa riding community ay patuloy na nagpapakita ng inspirasyon at pag-asa sa kanilang mga kasamahan, patuloy na nagtataguyod ng kanilang adbokasiya para sa pagkakapantay-pantay at katarungan.