Militanteng sinalubong ng Handyman-True Value-Pet Lovers Empowered Workers Union (HANEP-SUPER) ang bagong taon sa paglulunsad ng welga bilang tugon sa illegal mass termination sa 122 manggagawa ng Handyman-Robinsons.

Bahagi ang termination ng mahabang kasaysayan ng pagtatangka ng Robinsons Retail Holdings Inc. (RRHI) na buwagin ang unyon. Ang mga miyembro ng unyon ay mga kontraktwal na empleyado ng Handyman, karamihan ay matagal nang naninilbihan sa kumpanya ng maraming taon, ang iba pa'y umabot ng ilang dekada. Nagsampa ang mga manggagawa ng kaso para sa regularization sa National Labor Relations Commission. Ngunit sa kabila ng nakabinbing kaso, ang naging tugon ng pamunuan ay pagtatanggalin ang mga opisyales at miyembro ng unyon.

Ito na ang pangalawang beses na nagsagawa ng welga ang HANEP-SUPER. Noong 2021, inilunsad ng unyon ang unang welga dahil sa pagtanggal sa kanilang Presidente at iba pang opisyales ng unyon. Bagama’t pumirma ang management sa kasunduan na walang tanggalang magaganap habang wala pang opisyal na desisyon sa kaso, binalewala ng Robinsons ang kasunduan at tinanggal ang lahat ng miyembro ng unyon bago sumapit ang Pasko.

Simula nang iputok ang welga, patuloy na nakararanas ng di-makataong karahasan ang mga manggagawa sa kamay ng security forces ng Robinsons, na siyang labag sa mga alituntunin sa mga labor dispute. Sa kabila nito, mariing tinitindigan ng mga manggagawa ang kanilang mga panawagan:

Regularize Handyman workers!

End all acts of union busting against HANEP-SUPER!

Reinstate all terminated workers!

Sa mga nais magpaabot ng pakikiisa sa unyon, maaaring bisitahin ang kanilang picket line sa harap ng head office ng Robinsons Retail Holdings (110 E. Rodriguez Jr. Avenue, Bagumbayan, Libis, Quezon City). 

Tumatanggap rin ang unyon ng donasyon, maging in-kind o cash, na maaaring dalhin sa picket line mismo o via GCash (09668279337 - R***L A.). Malaking tulong ang anumang suporta sa pagpapatuloy ng laban ng HANEP-SUPER hanggang sa makamit ang kanilang mga panawagan at ang hustisya sa management ng Robinsons.