Kami, mga mamamayan at botante ng Pilipinas, ay nananawagan kay Pangulong Bongbong Marcos na i-veto ang 2025 General Appropriations Act, batay sa sumusunod na mga rason:

1. Ang 2025 budget ay hindi makatao, hindi patas, at hindi makatarungan.

Ang pag-zero budget sa PhilHealth ay nagpapakita ng pagtalikod ng gobyerno sa obligasyon nito sa pangkalahatang kalusugan. Alinsunod sa batas, dapat magka-akibat ang mga direct contributors at ang gobyerno sa pagpopondo ng premiums para sa mga indirect contributors upang makamit ang universal health care. Subalit, ang pasanin ng pagbabayad ay ipinasa sa mga direct contributors, karamihan ay mga karaniwang manggagawa. Dahil dito, hindi nabayaran ang premium ng mga indigents, seniors, at PWDs, na nagdudulot ng mas mabigat na pasanin sa mga manggagawa at mga employer.

2. Ang 2025 budget ay labag sa Konstitusyon at ilegal.

Sa pagtanggal ng pondo para sa PhilHealth, nilalabag ng Kongreso ang Universal Healthcare Act at Sin Tax Reform Law. Bukod pa rito, taliwas ito sa Konstitusyon na nagsasaad na hindi maaaring baguhin ng General Appropriations Act ang mga umiiral na batas.

3. Ang 2025 budget ay puno ng korupsyon.

Itinuturing na ang 2025 budget ang pinaka-corrupt na budget sa kasaysayan ng Pilipinas. Bukod sa zero budget ng PhilHealth, malaki rin ang bawas sa iba pang mahahalagang serbisyo tulad ng edukasyon, technical training at skills development, pagpapababa ng kahirapan, nutrisyon, pampublikong transportasyon, at siyensa at teknolohiya.

Imbis na pondohan ang mga mahahalagang programa tulad ng Universal Healthcare na mandato ng PhilHealth at iba pang esensyal na serbisyo, isinulong ng bicameral conference committee ng Kongreso ang mga probisyong naglipat ng nararapat na pondo ng PhilHealth at iba pang essential na serbisyo patungo sa corrupt na pork barrel sa anyo ng "ayuda" at public works.

Walang basehan ang pahayag na sapat ang pondo ng PhilHealth. Hindi ito sapat upang maipatupad ang mga benepisyong naglalayong mabawasan nang malaki ang out-of-pocket expenses ng mga pamilya. Ang ugat ng problema ay ang pagbitaw ng gobyerno sa obligasyon nitong pondohan ang PhilHealth, na nagbubunga ng pagbubuhat ng pasanin sa ating mga OFWs, manggagawa, kasambahay, propesyunal, at iba pang sektor.

Hindi ito makatarungan. Hindi ito patas. Hindi ito makatwiran.

Sa interes ng katarungan at pagkakapantay-pantay, nararapat na suspendihin ang pagbabayad ng premiums ng pribadong mamamayan at obligahin ang gobyerno na ipatupad ang karapatan ng lahat sa kalusugan.

Upang maayos ang lumalalang isyung ito, nananawagan kami sa Pangulo na i-veto ang hindi makatarungan, unconstitutional, ilegal, at corrupt na budget para sa 2025.

Kung magbingi-bingihan at magbulag-bulagan ang pamahalaan, walang ibang alternatibo kundi gamitin ang lahat ng legal na hakbang upang ibasura ang 2025 GAA, kabilang na ang pagsampa ng kaso sa Korte Suprema upang maibalik ang nararapat na pondo para sa PhilHealth at iba pang esensyal na serbisyo.