Pahayag ng FIND sa ika-52 na Anibersaryo ng Proklamasyon ng Batas Militar
September 21, 2024
Author:

52 na taon matapos ang proklamayson ng Batas Militar sa Pilipinas, sa ilalim ng diktador na si Ferdinand Marcos Jr., ang Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND) ay patuloy pa ring naninindigan, kumikilos, at nananawagan para sa katotohanan at katarungan para sa lahat ng biktima ng sapilitang pagwala at iba pang mga paglabag sa karapatang pantao noong panahong ito. Sa araw na ito, ating inaalala ang lahat ng mga nag-alay ng kanilang buhay para sa isang lipunang malaya.
Noong Batas Militar, ang sapilitang pagwala ay naging kasangkapan ng estado upang tutulan ang mga pagpoprotesta, patahimikin ang political opposition, sugpuin ang paglaban ng mga mamamayan sa mapanupil na diktadura, at maghasik ng takot sa publiko. Sa panahon ng diktadurang Marcos, mayroong 1032 na taong sapilitang iwinala, 640 sa kanila ay hindi na muling nakita, 134 ay natagpuang patay na may mga marka ng matinding tortyur sa katawan, at 209 ang inilitaw mula sa pagpapahirap sa detensyon. Mula noon hanggang ngayon, patuloy ang panawagan para sa hustisya para sa bawat biktima. Mula noon hanggang ngayon ay atin silang inaalala at pinagpupugayan at itinutuloy ang kanilang mga simulain.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang estado sa paggawa ng krimen ng sapilitang pagwala. Nitong Agosto lamang, mayroong naiulat na tatlong kaso ng sapilitang pagwala—sina Rowena Dasig, James Jazmines, at Felix Salaveria Jr. Ang mga pangalang ito ay dagdag sa patuloy na dumadaming kaso ng sapilitang pagwala na nasa 42 na mula nang maupong pangulo si Ferdinand Marcos Jr., ang anak ng dating diktador. Malinaw itong palatandaan na nagpapatuloy ang mga paglabag sa karapatang pantao at mula kay Marcos Sr. tungong Marcos Jr., ay hindi pa rin natutugunan ang karumal-dumal na krimen ng sapilitang pagwala.
Sa kabila ng pagsasabatas sa Anti-Enforced Disappearance Act of 2012, tumataas pa rin ang bilang ng mga kaso ng sapilitang pagwala at patuloy pa rin ang paglaban ng mga pamilya. Sa ating pag-alala sa mga bayaning nag-alay ng kanilang bahay para sa ating bansa sa araw na ito, ating tinitipon ang ating lakas at mga boses upang magpanawagan para sa isang lipunang wala nang iwawala.
NEVER AGAIN!
NEVER FORGET!
ITIGIL ANG SAPILITANG PAGWALA!